28 fevereiro 2006

Alaala

Tinanong ako ng aking kaibigan kung saan daw ba ang hindi ko malilimutang lugar sa aming paaralan. Walang pag-aatubiling sinabi kong ng wala pa, dala na naman ng aking pagdadali-dali sa pagsagot ng hindi muna pinag-iisipan ng mabuti ang aking itutugon. Tinanong kong muli sa aking sarili at ilang sandali pa ay aking napagtantong mali pala ang aking kasagutan. Bigla kong naisip na sa kasalukuyan, meron na pala akong isang hindi malilimutang lugar sa aking paaralan. Sinabi ko iyon sa aking kaibigan at alam niyo kung ano ang aking sagot?

Sa Chamber room.

Ang Chamber room ang tambayan ng aking sinalihang organisasyon sa paaralan. Doon ginaganap ang mga pagsasanay, pagpupulong, at iba pang gawain. Tinanong ako uli ng aking kaibigan kung bakit iyon ang napili ko. Nagulat rin ako sa sagot kong iyon. Hindi ko inakala na hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin ang mga sandaling iyon na nakatambay kami at nagkwe-kwentuhan sa silid na iyon. Ngunit ngayon, hindi na tulad ng dati ang lugar na iyon para sa akin. Marami ng bagong mukha at marahil na rin dahil hindi na ako masyado nakakaakyat doon. Pero hindi ko pa rin malilimutan ng mga masasayang araw ko doon.

Ngunit iyon nga lang ba ang aking dahilan kung bakit ang silid na iyon ang aking napili?

Ikaw, mayroon ka bang hindi malilimutang lugar sa iyong paaralan? ;)

25 fevereiro 2006

Drama

Bakit kaya ganun? Simpleng kaligayahan, lagi na lang may kasunod na kalungkutan... kaya tuloy minsan, naiisip ko, ayoko ng maging masaya. Ang buhay ba, kailangan laging may drama?

17 fevereiro 2006

Ayoko

Hindi ko alam kung bakit, pero ayoko. Ewan ko ba pero sa kanya lang naging ganito. Masaya na ako na nakadistansya sa kanya, at nakikita sya. Haai... hindi ko talaga alam. Simpleng bagay lang naman yan diba? Pero hindi talaga. Ewan.

Sana mali ang iniisip kong sinabi mo. At hindi ko na iisipin pa para hindi na lalong bumaon sa utak ko.

08 fevereiro 2006

Musmos

Nakakatuwa talaga ang mga bata. Kinwento ng nanay ko ang nangyari kanina habang nagsundo sila ng mga bata sa eskwelahan (ginawa naming service ng mga bata ang isa naming sasakyan at kanina nag-drive ang tatay ko). Noong sinundo si Kenji ng umaga, may dala syang mop na pinadala sa kanila para sa araw na iyon. Pagsundo sa kanya ng tanghali sinabi ng isang boy sa eskwelahan na world map pala ang pinapadala at hindi lampaso at natawa don ang tatay ko. Si Kenji naman, marahil ay napikon, nagsabi na 'Thats not funny...' Dumaan sila sa water station para kumuha ng tubig namin at maya-maya pa ay narinig daw ng nanay ko na sinabi nyang 'si Mang Bert parang bote, walang buhok'

Hahahahahahahahahahaha.

Natawa talaga ako habang isinasalaysay ng nanay ko ang pangyayaring iyon. Marahil dahil sa naasar sya kaya nya nasabi iyon. Siguro kung nandun ako matatawa rin ako sa kanya. Marahil ay mapipikon rin ako. Pero hindi naman nya sinasadya na mali ang madala nya para sa araw na yon. Dahil dito natutunan ko na kahit sa murang edad ay sensitibo na rin ang mga bata kaya dapat ay iniisip muna natin ang mga salita bago natin sabihin sa kanila.

Isang Buwan

Isang buwan at hindi pala ako nakapagsulat man lang dito. Maraming nangyari, may maganda at hindi, pero ang natutunan ko hindi ko hawak ang oras at ang mga panahon kong nasayang ay hindi ko na maaring ibalik pa. Hindi ba't ganon naman talaga lagi? Ang magagawa ko na lang ay magsimula ng panibago. Kung paano, hindi ko alam. Ang alam ko lang nais kong humarap sa isang masayang bukas.

At dahil nga sa pangyayaring ito, naisip ko na tuwing magsusulat ako sa kabila kong blog kailangan magsusulat rin ako dito. Para hindi naman ito napag-iiwanan. :)