30 outubro 2005

Tumatakbo

Teka, anong petsa na ba? Sobrang bilis lumipas ng panahon na parang hinahabol ng kabayo. Haha. Minsan nga hindi ko na nga alam kung ano na ang nangyayari sa paligid ko. Tindi diba? Kaya medyo matagal bago ako ulit nakadalaw dito.

Ang masasabi ko lang, nagpapasalamat nga pala ako dahil wala kaming pasok sa unang dalawang araw ng susunod na linggo. Nangangahulugan man ito na maghahabol kami sa mga aralin sa klase upang mapunan ang mga araw na walang pasok pero ayos lang basta merong pahinga. ^^


06 outubro 2005

Habagat


Naghihintay na naman ako sa huli kong klase. Kung hindi ako nagkakamali ng bilang, ika-apat na linggo na ito mula nang magsimula ang bagong termino. At dito na nagsisimula ang pagbuhos ng mga iba't-ibang dapat gawin sa mga kurso. Parang daluyong ng hangin tuwing may bagyo. Napakarami ngang gagawin sa linggong ito at sa susunod pa. Minsan pa't hiniling ko na sana 72 ang oras sa isang araw. Mayroon nga pala akong tatlong pagsusulit sa susunod na linggo. Yung iba ko ngang kasama meron nang dalawa ngayon pa lang. Kung tutuusin, lalo na ngayon at nag-drop na ako sa isa kong kinukuhang kurso, napakaluwag na ng oras ko at nabawasan na ang intindihin ko. Kaya nga hanggang sa makakaya ko, ginagawa ko na lahat ng pwede kong maitulong sa mga kagrupo ko sa mga project/case namin dahil kung iisipin natin mas marami pa silang ginagawa kaysa akin. Ngunit parang kulang pa rin ang oras. Para ngang wala pa akong natututunan sa mga inaaral ko eh. Pero... baka naman ako ang may mali. Hindi ko na naman nagamit sa wastong paraan ang aking oras. Iniisip ko nga, hindi ko pa natutupad ang pangako ko para sa terminong ito. At apat na linggo na ang nakakaraan. May oras pa, pero hanggang kailan? Haay, tinotopak na naman ako.

Napansin mo na bang lumalamig na ang simoy ng hangin? ^_^

01 outubro 2005

Sulyap


Tingnan mo nga naman at Oktubre na pala.

Unang araw ng Oktubre ngayon at mukhang maganda naman ang nasimulan ko para sa buwan na ito. Kanina ay nagkaroon ng outreach ang aking grupo sa eskwelahan sa Kanlungan sa Er-Ma. Mainit, medyo magulo, pero masaya. Hindi karamihan ang mga bata, ngunit hindi naman maiiwasan na mayroong magulo. May isang bata roon, Rancel sabi niyang pangalan niya, at lahat ata ng makita niya sa amin ay nagpakarga siya. Nakakatuwa. Ngunit naisip ko rin na parang sabik na sabik siya sa pagmamahal at iyon lang ang paraan niya para maramdaman ito. Kaya sa kahit konting saglit lang na mabuhat mo siya, kitang kita ang ngiti sa mukha niya. Hindi ko tuloy napigilang maalala ang mga parehong karanasan noong ako'y nasa mataas na paaralan at nitong huli, sa aming community service sa Gawad Kalinga.

Iyong mga batang naging kaibigan namin doon, sina Jimson, Mark at yun kapatid pa nila. Sa totoo lang, medyo nabitin nga ako sa GK dahil hindi namin nalubos ang mga gagawin doon. Ngunit alam ko na hindi pa ito ang huling pagkakataon na makikita ko sila. Maari pa rin naman akong mag-volunteer sa pagtulong sa GK hindi ba. Kahit sa konting oras na ibinigay mo sa kanila, masarap malaman na nasiyahan sila kahit sa maliit na bagay lang na nagawa mo.

Marami talaga akong dapat ipagpasalamat...