Sulyap
Tingnan mo nga naman at Oktubre na pala.
Unang araw ng Oktubre ngayon at mukhang maganda naman ang nasimulan ko para sa buwan na ito. Kanina ay nagkaroon ng outreach ang aking grupo sa eskwelahan sa Kanlungan sa Er-Ma. Mainit, medyo magulo, pero masaya. Hindi karamihan ang mga bata, ngunit hindi naman maiiwasan na mayroong magulo. May isang bata roon, Rancel sabi niyang pangalan niya, at lahat ata ng makita niya sa amin ay nagpakarga siya. Nakakatuwa. Ngunit naisip ko rin na parang sabik na sabik siya sa pagmamahal at iyon lang ang paraan niya para maramdaman ito. Kaya sa kahit konting saglit lang na mabuhat mo siya, kitang kita ang ngiti sa mukha niya. Hindi ko tuloy napigilang maalala ang mga parehong karanasan noong ako'y nasa mataas na paaralan at nitong huli, sa aming community service sa Gawad Kalinga.
Iyong mga batang naging kaibigan namin doon, sina Jimson, Mark at yun kapatid pa nila. Sa totoo lang, medyo nabitin nga ako sa GK dahil hindi namin nalubos ang mga gagawin doon. Ngunit alam ko na hindi pa ito ang huling pagkakataon na makikita ko sila. Maari pa rin naman akong mag-volunteer sa pagtulong sa GK hindi ba. Kahit sa konting oras na ibinigay mo sa kanila, masarap malaman na nasiyahan sila kahit sa maliit na bagay lang na nagawa mo.
Marami talaga akong dapat ipagpasalamat...


0 Comments:
Enviar um comentário
<< Home